Sa ating kagalang-galang na UPLB Chancellor, Dr. Jose Camacho Jr.; sa ating tagapagsalita at kauna-unahang dekana ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran, Dr. Maria Celeste Habito-Cadiz; sa mga bumubuo ng Kolehiyo na pinapanganuhan ng ating dekana na si Dr. Ma. Stella Tirol, kalihim na si Dr. Liza Cabrera, mga tagapangulo ng mga departamento na sina Asst. Prof. Aletheia Araneta, Dr. Elaine Llarena, Dr. Trina Leah Mendoza, at Ginoong Elijah Jesse Pine; mga magulang; kapamilya; at kapwa kong magsisipagtapos sa Kolehiyo, isang mapagpalayang araw sa ating lahat!
Bilang batang laki sa probinsya, palagi akong nasasabik sa pagdating ng araw ng Sabado sapagkat makakapaglaro na akong muli sa labas. Malinaw pa sa aking alaala ang mga tradisyunal na Pilipinong laro tulad ng luksong-baka at patintero. Mayroong mga araw na pagkatapos mag-almusal ay tutungo agad kami sa aming tagpuan, uuwi lamang para magtanghalian, at lalabas na muli hanggang sumilip na ang buwan.
Isa ang pagkakaroon ng pagkakataong makapaglaro at makapaglibang sa mga pangunahing karapatan ng bawat batang Pilipino. Sa pagbabaliktanaw ko sa aking buhay devcom at sa mga aktibidad ng aking organisasyon, aking napagtanto na ang mga bata ang sektor na aking pinaka-nakasalamuha. Mula sa pagsulat ng balita tungkol sa sitwasyon ng malnutrisyon base sa datos; pagbuo ng isang learning system sa pangangalaga ng kalusugang pang-isipan sa tahanan at paaralan; pagtuturo ng pagbabasa sa paaralang pang-elementarya; hanggang sa pagsulong ng kanilang mga karapatan gamit ang sining.
Sa isang pagkakataon, habang naglalakad kami ng kaibigan ko sa kalye pasadong hatinggabi, nakasalubong namin ang isang batang nagbebenta ng pangmeryenda. Tawagin natin siya sa pangalang Juan. Nilapitan ni Juan ang lahat ng kaniyang makakasalubong para alukin ng panindang nakasilid sa basket na mukhang puno pa, habang sinasabing, ‘bili na po kayo, pambaon ko lang po bukas’.
Ang karanasan ni Juan ay hindi kaiba sa karanasan ng mga batang ating nakakasabay sa jeep, hindi bilang kapwa pasahero, kundi bilang matatapang na sumasampa sa matutuling sasakyan upang manghingi ng kaunting barya; ng mga batang araw-araw nakikibaka sa buhay habang may iniindang sakit dulot ng malnutrisyon; at ng mga batang kinailangang tumigil mag-aral noong pandemya sapagkat kailangan munang unahing makapagtapos si ate o kuya.
Marahil natanong na rin kayo noon, ‘paano masasabing nakamit na ang kaunlaran?’. Sinabi ko sa aking kaibigan na, para sa akin, maunlad na ang bansa kung wala nang batang kailangan pang magtrabaho para may mailaman sa tiyan at maipambaon kinabukasan. Isang ideyang pumasok sa aking isipan, na buhat ng mga tagpo ko sa mga kabataan at sa karanasan ng mga batang tulad ni Juan, ay magiging sagot ko rin sa kung paano nga ba masusukat ang kaunlaran.
Madalas lumabas sa bibig natin nung mga bata pa tayo ang pariralang, ‘paglaki ko, gusto kong maging…’. Ngayong tayo ay magsisipagtapos, hindi man pareho sa ating pahayag noon ang kursong tinahak natin ngayon, ang pinakamahalaga ay nagkaroon tayo ng pagkakataon at motibasyong makapagsabing, ‘ako ay may pangarap’.
Ito ang karanasang kasalukuyang ipinagkakait ng lipunan sa ibang mga bata – na ang pagkakataong mangarap ay parang lata sa tumbang-presong dinurog ng mga mapang-biktimang sistema ng lipunan tulad ng kurapsyon at karahasan; na ang kakayahang makamit ang edukasyon ay tila luksong tinik na may mga balakid pang kailangang lagpasan; na ang access sa sapat na nutrisyon at kalusugan ay parang gantimpala sa palosebo na hindi maabot dahil sa dulas ng kapalaran.
Bagamat ang paglilibang ay kanilang karapatan bilang mga bata, ang buhay nila’y hindi dapat maging araw-araw na pakikipaglaro sa tadhana. Kaya naman, nais kong mag-iwan ng tatlong mensahe na nawa’y ating maalala habang suot natin ang pinagsikapang sablay. Sablay na simbulo ng mithiing binuo nang may ngiti noong tayo’y mga bata at may lakas ng loob na hinabi habang tayo’y lumalaki.
Una, sana’y kasabay ng paglipat ng ating mga sablay ang pagtanggap sa hamon. Hamon na ang ating mga aksyon sa hinaharap ay maging kontribusyon para sa isang lipunang magbibigay ng pagkakataon sa mga batang makulayan ang mga iginuhit sa papel nang tanungin sila kung ano ang gusto nilang maging.
Sa paglayag natin sa ating mga propesyong tutunguhin, ating pagsikapan ang isang bansang walang batang gagalugarin ang kalyeng madilim o sasampa sa mga rumaragasang jeep upang may ipangtustos sa mga inosenteng mithiin. Isang Pilipinas kung saan lahat ng batang Pilipino ay makapagsasabing, ‘ako rin ay may pangarap’ – nang may ngiti, may lakas ng loob, at may pag-asa.
Bilang ika-dalawampu’t limang klaseng magsisipagtapos sa ating kolehiyo, sana’y ating panghawakan na sa susunod pang limampu, maging hanggang sandaang-taon, patuloy nating isusulong ang layuning walang sektor ang maiiwan, anuman ang kanilang edad, anuman ang kanilang pangarap. Lalong-lalo na ngayon kung saan ang pagsukat ng kaunlaran ay naka-sentro sa bilang ng mga naipatayong imprastraktura, at tila nakakalimutan na ang mga taong gagamit sana ng mga gusali at kalsada.
Subalit, hindi ito magiging madali buhat ng malawakang disimpormasyon, dagdag pa ang mga naghaharing-uri at institusyong ginagamit ang posisyon at krisis para sa kapakapanang pansarili. Ito ay ating mga katunggali, at, sa mga prinsipyong itinuro ng unibersidad, sa mga ito’y hinding-hindi sana tayo magiging bahagi.
Ikalawa, nawa’y kaakibat din ng ating mga sablay ang pasasalamat sa pagkakataong ibinigay sa atin ng ating mga pamilya at ng mamamayang Pilipino. Ma at Pa, salamat sa patuloy na paniniwala sa aking kakayahan sa mga pagkakataong ako mismo ay nag-aalinlangan na. Pagpupugay din sa lahat ng mga magulang at mga tumayong magulang para sa sarili upang matutustusan ang pag-aaral sa kabila ng iba’t ibang krisis dala ng pandemya.
Sa aking mga kaklase at orgmates na mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, buhat ang kani-kaniyang wika, kultura, adbokasiya, at paniniwala; sa aking mga gurong may malawak na kaalaman at malalim na pagsinta sa kanilang mga itinuturong kurso, kabilang ang aking tagapayo na si Asst. Prof. Olga Lomboy; hanggang sa mga manggagawa at mamamayan ng Elbi na itinuring na rin tayong bahagi ng kanilang tahanang bayan. Ang pakikisalamuha ko sa inyo, sa labas man o sa loob ng silid-aralan, ay lubos na nagpabago sa aking perspektibo, lalong-lalo na sa buhay at sa kung para kanino nga ba ito.
Panghuli, sa mga panahong tayo’y natutuliro sa pabago-bagong klima ng komunikasyon at pulitika, ating baunin ang kwento ng mga komunidad na ating kinilala, ng mga sources na ating nakapanayam, at ng mga organisasyong ating nakatrabaho, bilang silakbong muling mapapainit sa alab ng ating mga damdamin.
Sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran, na aming naging tahanan sa loob ng apat na taon o higit pa, maligayang ika-dalawampu’t-limang taon ng pagkakatatag! Ilang dekada na ang lumipas ay hayag na hayag pa rin ang kahalagahan ng larang; sapagkat hanggang may isang Pilipinong naiiwan sa proseso ng kaunlaran, ang devcom ay mananatiling makabuluhan.
Bilang pangwakas, pagpupugay sa aking mga kapwa magsisipagtapos. Sa ating paglabas sa pamantasan, haharapin muli natin ang isa sa mga pinakamahirap na tanong mula nang tayo’y nasa unang taon pa lang – ‘ano ba ang devcom?’. Mayroon mang sinalitang depenisyon ito, aking paniniwala na ang kahulugan ng devcom ay nakadepende sa atin. Sa kung paano natin gagamitin ang ating mga natutunan upang tugunan ang mga pabago-bagong isyung panlipunan. Ang tanong na dapat nating pagnilayan: ‘paano ko ipapakilala ang devcom sa labas ng paaralan?’
Walang katumbas na ligayang pagbati, CDC Silver Class of 2023! Matapos ang hindi mabilang na mga salitang isinulat sa mga akademikong papel, mga output na sa wakas ay ‘turned in’ na, mga pinagpapawisang hakbang patungo sa susunod na klase, mga oras at sakripisyong inialay para sa bayan, at mga ‘padayong’ narinig at tumatak sa puso’t isipan – heto tayo’t sasablay na.
Mabuhay ang mga Iskolar ng Bayan!
Mabuhay ang Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran!
Para sa mga kabataan, para sa bayan!
Maraming salamat po.