Sa ating mga pinagpipitagang panauhin ngayong araw: panauhing pandangal na si Binibining Likha Cuevas, sa lupon ng mga direktor ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran, kabilang ang ating Dekano at ang aking gurong tagapayo na si Dr. Ma. Stella Tirol, kalihim na si Dr. Liza Cabrera, mga tagapangulo ng mga departamento na sina Dr. Elaine Llarena, Dr. Trina Leah Mendoza, Asst. Prof. Aletheia Araneta, at Asst. Prof. Romel Daya, mga magulang, kapamilya, kaibigan, at sa aking mga kapwa bagong nagsipagtapos, isang mapagpalayang araw sa inyong lahat.
Cincuenta y cuatro o fifty four pesos ang personal poverty threshold sa ating bansa noong taong 2018 nang ako’y pumasok sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran. Ibig sabihin, upang makapamuhay ang isang tao at matustusan man lamang ang kanyang iba’t ibang pang araw-araw na pangangailangan noong taong iyon, kailangan niyang kumita araw-araw ng fifty four pesos.
Kaya naman upang lubusan naming maintindihan ang konseptong ito, naging hamon sa amin noon ng aming mga propesor na subukang gumastos lamang ng fifty four pesos sa isang araw. Kasama na roon ang gastos namin sa pagkain, tubig, kuryente, pamasahe, internet, at mga pangangailangan sa pag-aaral. Kumunot ang noo ko noong marinig iyon. Kailangan ko kasing kumuha ng kopya ng aming babasahin sa ARTS 1, pero anong uunahin ko? Readings o pagkain?
Noong araw na iyon, pinili ko ang pagkain. Nabusog ako pansamantala at lumipas ang isang maghapon. Ngunit saglit lang bago tuluyang naubos ang fifty four pesos ko, at sa huli, gutom at panibagong perspektibo lamang ang inabot ko.
Doon ko naalala at naitanong sa sarili kung paano nga ba napagkakasya ni Mama ang labing isang libong pisong sweldo ni Papa sa isang buwan noong bata pa ako. Kaya naman base sa aking natutunan, nag-kwenta ako—para sa limang miyembro ng aming pamilya, seventy pesos lang pala ang nakalaan araw-araw. Kung babalewalain ang inflation, labing-anim na piso lamang ang diperensya’t masasabi ko na na nasa poverty line na kami.
Natutunan ko noon, sa unang pagkakataon, ang ilan sa mga pinakamahahalagang aral na natutunan ko sa pamantasan.
Una, maaaring mabuhay ang isang tao base sa mga katotohanang pinili niya para sa kanyang sarili.
Bilang isang walang muwang na paslit, hindi ko nabatid ang nararanasan naming hirap noon, o maari’y pinipili ko lamang talagang isipin na hindi kami ‘mahirap’.
Sa UP ko lamang natutunan na hindi ko dapat itanggi na lumaki ako sa isang squatter area sa may Parola, lagpas lamang sa tulay ng Delpan, at minsan rin ay sa ilalim ng isang tulay sa Taytay, Rizal.
Sa UP ko lamang natutunan na kailangan kong harapin ang mga katotohanang ito tungkol sa aking sarili at sa lipunang aking ginagalawan—hindi man kaparis ng ginintuang parang ang tunay na mundo.
Naging marahas ang pamantasan dahil hindi ako binigo nitong ipakilala sa katotohanan. Maliit lamang na katotohanan ang fifty four pesos na poverty threshold noong 2018. Dahil mas malaki ang katotohanang tila kibit-balikat lamang nating naaatim ang dagok nito sa ating kapwa Pilipino—sa ating mga magsasaka, katutubo, estudyante, frontliners at iba’t iba pang miyembro ng mga marhinalisadong sektor.
Kaakibat nito ay ang ikalawang aral. Sa kolehiyo ko natutunan na ang katotohanan ay walang pakundangan—na ang katotohanan ay hindi marunong mag-alinlangan, mag-atubili. Mga katotohanang nakasulat nang pula sa mga placards at paulit-ulit na isinisigaw ng mga aktibista’t estudyante ng UP. Mga katotohanang naiintindihan at naisasapuso, mga katotohanang maingay at hindi mananahimik.
Sa malalim na pagteteorya ng devcom ko rin unang nabatid na hindi lamang tumitigil ang mga tao sa pagpili ng katotohanan na angkop para sa kanila. Dahil ngayon, danas na rin natin ang bunga nito, ang paglikha ng mga “katotohanan” upang makapaghari at upang manlamang ng kapwa.
Noong nakaraang eleksyon, nakita natin kung paanong pinaghaharian ng iba’t ibang bersyon ng katotohanan ang proseso ng demokratisasyon sa ating bayan—at kung paano ito naging kasangkapan upang pagtunggaliin ang magkakaibang dako ng masa.
Saksi tayo sa mga ‘katotohanang’ kaakit-akit at kasuklam-suklam, ‘katotohanang’ kawili-wili at kagulat-gulat, sa mga ‘katotohanang’ hindi kapani-paniwala at sa mga pagaagam-agam, sa pagtatanong, sa galit, sa inis, sa pagsuyo, sa paghangad, at sa paniniwala.
Ngunit bilang mga iskolar sa larangan ng komunikasyong pangkaunlaran, ilang taon na nating kinikilala kung ano ba ang “katotohanan”. Hindi na estranghero para sa atin ang iba’t ibang mukha ng “kasinungalingan” at alam na natin kung sino-sino ba dapat ang pinakikinggan, ang binibigyan ng boses, at pinagkakalooban ng pagkakataong pakatotohanan ang totoo.
Hindi tayo tumigil na halughugin at pagbalibaliktarin ang bawal sulok ng ating lipunan upang bigyang kabuluhan ang mundo, gaano man kahapdi ang katotohanang matututunan nating makikilala.
Kaya nama’y nakapanlulumong isipin ang kasalukuyang danas ng ating bansa, partikular na sa pakikitungo ng mamamayang Pilipino sa konsepto ng katotohanan. Ngunit dito papasok ang pinakamahalagang aral na kailangan naming matutunan noong araw na kailangan naming pagkasyahin ang fifty four pesos para sa aming mga pangangailangan.
Ikatlong aral: Kulang ang pag-aaral, kung walang pakikiramdam. Makikilala lang natin ang mukha ng kahirapan kung alam natin kung paano mamuhay kasama nito. Isang haligi ng komunikasyong pangkaunlaran ang empatiya, kaya’t danas natin, at di lamang nadadalumat ang karamdamang dinadaing ng ating lipunan.
Kaya nama’y suungin natin ang panahong ito nang may pakikiramdam. Ang pakikitungo sa taumbayan ay sinusubukan ng marahan, nang may pag-iintindi, may pakikinig, may hangaring magkatagpo ang diwa, magkatagpo sa katotohanan—komunikasyong may paninindigan at may puso.
Tinuturo rin ng empatiya na hindi lubos na maituturing ang araw na ito na maligayang selebrasyon. Hindi lingid sa ating kaalaman na maliit na bilang lamang ng mga pumasok sa ating Kolehiyo ang nagtapos ngayong taon at marami sa ating mga kaibigan, kung maaari lang sana, ang gusto nating makasamang magtapos ngayong araw.
Kaya higit sa nais kong batiin ang lahat ng kapwa ko nagsipagtapos ngayon ng isang maligayang pagbati, sa diwa ng empatiya ay mas nais kong mag-iwan ng isang hamon sa ating lahat. Nawa’y kaakibat ng karangalang ating tinatanggap ay ang pananabik na patunayang may puwang tayo sa pagpapabuti ng ating lipunan. Nawa’y dala-dala natin ang empatiyang itinuro sa ating ng Kolehiyo hanggang sa paglisan natin ng ating unibersidad. Nawa’y hindi tayo natatapos sa pagsipat at pagbibigay kahulugan lamang.
Ngayon, pasan na nating ang responsibilidad na tumindig at kumilos. Mangahas tayo na maging mga aktibong iskolar na walang pasubaling magsisilbi para sa kapwa. Labanan natin ang pagiging manhid sa nararanasang karamdaman ng ating lipunan sa papamagitan ng paggamit ng ating boses at kalayaan upang manindigan.
Bago ko tapusin ang aking talumpati, nais kong samantalahin ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang aking mga magulang na bagamat walang-wala ay ibinigay sa akin ang lahat. Ma, Pa, ang hirap sabihing lumaki ako sa hirap dahil hindi niyo kailanman pinaramdam sakin na nagkukulang tayo. Salamat po sa inyo.
Sa aking mga guro, mga kaibigan, mga itinuring na kapamilya, mga blocmates, orgmates, at mga nakadaupang-palad sa pamantasan, salamat sa pagkakataong matuto mula sa inyo. Salamat sa pagpapakilala sa akin ng inyong mga katotohanan.
Sa aming sintang kolehiyo, ang Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran, maraming salamat sa pag-akay at pag-hubog sa amin bilang mga lingkod-bayan.
Muli, malubos kong binabati ang lahat sa inyong napagtagumpayan at sa dangal at husay na inyong ipinamalas sa loob at sa labas ng unibersidad. Pagbati sa mga bagong iskolar ng komunikasyong pangkaunlaran.
Mabuhay ang mga bagong pag-asa ng bayan!
John Warren G. Tamor is CDC’s first summa cum laude graduate. He delivered this speech on behalf of the CDC Class of 2022 during the college’s 24th Testimonial and Recognition Program on August 3, 2022.