Magsilbi
Maria Andrea P. Bodaño

Nais kong batiin ang ating kagalang-galang na UPLB Chancellor Dr. Jose V. Camacho Jr.; Office of Public Relations Director Asst. Prof. Mark Lester Chico; Graduate School Secretary Dr. Pamela A. Custodio; sa ating GPMC Chair at CDCAA President, Prof. Dr. Benjamina Paula G. Flor, sa administrasyon ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran na pinangununahan ni dekana Dr. Ma. Stella C. Tirol, kasama ang ating college secretary na si Dr. Liza A. Cabrera, CDC Assistant to the Dean, Asst. Prof. Dr. Rosa Pilipinas Francisco, sa ating mga tagapagsalita na si Bb. Samantha P. Javier at Asst. Prof. Romel A. Daya, ating department chairs na si Asst. Prof. Aletheia C. Araneta, Asst. Prof. Dr. Trina Leah T. Mendoza, Asst. Prof. Elijah Jesse M. Pine, at Asst. Prof. Dr. Winifredo B. Dagli, ang mga kawani ng UPLB Pahinungod, DA-BAR, at DOST-PCAARRD, at sa ating mga guro at bisitang magulang, kapamilya, tagapagalaga, kaibigan, at mga mahal sa buhay, sa aking mga kapwang magsisitapos sa CDC Class of 2024, isang mapagpalayang araw sa ating lahat.

Hindi ko inaasahan na dadating ang araw na magbibigay ako ng talumpati sa harap nating mga magsisitapos. Matagal ko nang nakikita ang sarili ko bilang isang ordinaryong estudyante na hindi naman nabiyayaan ng dalubhasang talino o namumukod-tangi na talento. Kung mayroon man akong ikagagaling, ito ay ang pagpupursigi ko upang gawin ang aking makakaya para tugunan ang anumang tawag ng panahon sa akin.

Maihahantulad ko ito sa kuwento ng buhay ko sa kolehiyo. Tuwing nalalapit ako sa sukdulan dulot ng hamon ng mga gawain, madalas kong binabalikan ang mga ala-ala noong naghahanda ako para sa aking reconsideration interview. Bitbit ang dalawang kuwaderno—isang kulay asul at kulay berde—isinusulat ko kung bakit nga ba ako dapat tanggapin sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran.

Ito ang tatlong pangunahing dahilan na lumitaw sa aking isip: una, mayroon akong karanasan kaugnay sa mga karaniwang gawain sa Devcom gaya ng pagsasagawa ng communication initiatives at field work; pangalawa, mayroon akong kasanayan sa iba’t ibang uri ng pagsusulat, at interes sa larangan ng journalism; at ikatlo—ang dahilan na hindi ko maibabanggit—dahil kung hindi ako makakapasok ng UP, maaaring wala akong mapapasukan na kolehiyo dulot ng

isyung pinansiyal na hinarap ng aking pamilya noong panahong iyon. Taong 2019-2020 ito naganap, kasabay ng marami pang hindi inaasahang mga pangyayari. Sa puntong iyon, nakatatak sa isip ko ang pangangailangang makapasok ng UP hindi lamang para makapagpatuloy ako sa pag-aaral, kung hindi para makatulong at maging motibasyon rin sa aking pamilya na makaraos sa pagsubok na iyon.

Mahigit-kumulang isang taon bago ang UPCAT, ako ay nag-self study at nagpatulong sa aking mga kaibigan na magrebyu dahil dagdag gastos lamang ang pag-enrol sa isang review center. Ilang beses kong napagtantuhan ang fighting chance ko na makapasa ng UPCAT sa gitna ng libo-libong estudyante na siguradong may kalamangan sa akin. Gaya ng aking inaasahan, hindi ako nakapasa. Subalit, dahil sa tawag ng panahon, nagpursigi akong dumaan sa butas ng karayom ng reconsideration process at sa kabutihang palad ay nakapasok ako sa BS Development Communication Program ng UPLB.

Inaalala ko ang kuwentong ito para kumuha muli ng lakas na magpatuloy sa aking mga gawain. Sinasabi ko sa aking sarili: ipinaglaban ko hanggang huli ang makapasok dito, at ipinaglalaban rin ng iba na makarating kung nasaan ako ngayon—ang makapag-aral lalong lalo na sa ilalim ng libreng edukasyon. Ipinangako ko sa sarili na huwag kakalimutan ang kabuluhan ng oportunidad at pribilehiyong ito – at dapat pagbutihin ko ang aking pag-aaral hindi lamang para sa aking sarili at sa aking pamilya, kung hindi para rin sa isang kinabukasan kung saan ang edukasyong ito ay sana’y magamit sa pagpapabuti rin ng buhay ng iba. Ngayon, narito ako, natapos nang aralin ang kurso na may kasamang mga parangal na higit pa sa aking mga akala. Ako’y lubos na nagpapasalamat sa pagkilala na ito, dahil hinding hindi ko inakala na darating ito sa akin.

Kaya naman, nais ko ibahagi ang kuwentong ito upang magbigay inspirasyon at makasuhay sa inyong mga minimithi. Naniniwala ako na ang karansan ko ay isang patunay na hindi lamang nakapaloob sa talino at talento ang husay na hinahanap ng pamantasan, o kahit sa ating buhay. Naniniwala akong pinapakita nito na ang pagpupursigi, ang kagustuhan matuto, at pagkakaroon ng pasyon tungo sa isang pinapangarap na pagbabago ay may katumbas na halaga sa dangal at husay.

Sa kabila nito, hindi mapagkakaila ang kahalagahan ng pribilehiyo upang matiwasay na makapagpursigi. Ito rin mismo ang isang dahilan kung bakit tayo narito. Bilang mag-aaral ng

Devcom, natutunan natin na ang bawat tao ay may kakayahang gumawa ng pagbabago tungo sa kaunlaran na inaasam, at narito tayo, gamit ang ating napag-aralan at sa pamamagitan ng ating sari-sariling paraan, na ipadaloy ang potensiyal ng bawat isa upang makamit ito. Suriin natin nang mabuti ang mga ugat ng problema mula sa mga sintomas nito habang hindi nalilimutang makiramdam o makiramay sa kinauugnayan. Sa pamamagitan ng pagtangan ng ating natutunan sa Devcom na kritikal na perspektibo at pagmalasakit sa bayan, naniniwala akong malayo ang ating mararating, lalo na sa mundo kung saan nangingibabaw ang marahas na sistemang kapitalista at patriyarkal.

Iba’t iba man ang patutunguhan natin sa ating pagsisitapos at ang magiging tibok ng puso kung saan tutungo ang ating mga hinaharap, alalahanin natin ang ating gampanin na manguna sa pagsama sa ating mga komunidad at mga panauhing may kakayahan na tumugon sa makabuluhang kaunlaran lalong lalo na sa mga nangangailangan. Para sa akin, ito ang tawag ng ating panahon ngayon: ang magsilbi sa abot ng ating makakaya, lalong lalo na sa tawag ng bayan. Gamitin natin ang ating kakayahan, oportunidad, at pribilehiyo upang makapaghatid ng makabuluhang pagbabago sa isa’t isa, anuman ang sukat nito.

Kaya naman, gusto kong gamitin ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang aking pamilya na sumuporta sa aking pag-aaral, sa mga bumubuo ng pagtanggap ng aking reconsideration application, ako ay lubos na nagpapasalamat sa inyong tiwala sa akin. Sa aking mga propesor at kasama sa organisasyon, at sa aking mga kasabay na batchmates at mga kamag-aral sa mga klase, laking pasasalamat ko po sa inyo sapagkat ang bawat karanasan—maganda man o hindi—ako ay natuto upang makarating kung nasaan ako ngayon, at sana’y ako rin ay naging ganoon sa inyo.

Lahat tayo ay natatangi sa ating sariling mga kakayahan at ang bawat isa ay mayroong tagumpay na nararapat ipagdiwang dito sa harapan. Kaya palakpakan ninyo ang inyong mga sarili, ang iyong mga pamilya, kapwa, at mga guro para sa ating tagumpay na makarating dito ngayon, at pagpupugay rin sa ating kapwa isko’t iska na nagpapatuloy sa paglalakbay patungo sa inaasam na pagsablay sa kabila ng mga hamon sa panahon ngayon.

Sa pagtatapos ng aking talumpati, gusto kong ibahagi ang isa sa pinakamahalagang leksyon na natutunan ko sa aking panahon sa kolehiyo at unibersidad: ito ay ang paglabas sa ating mga kinabibilangan. Galugarin ang iba’t ibang pananaw ng kaalaman at karunungan, tahakin ang mga daang hindi pa natatahak; matuto tayong ilantad ang ating sarili sa reyalidad sa labas ng ating malay upang tunay na maintindihan ang mga karanasan at hinaing ng ating komunidad na nais nating pagsilbihan. Sa aking mga kapwa nagsisitapos, ang nararamdamang silakbo ng damdamin, kaba man ito o pagkasabik, ay senyales na tayo ay handa na susunod na yugto ng ating buhay. Narito na ang hinihintay nating bungad tungo sa ating hinaharap at mga pangarap. Padayon, mga iskolar ng bayan. Heto na ang panahon na ating huhubugin, para sa atin, at lagi’t lagi, para sa bayan. Maraming salamat po.